PBBM, kuntento sa performance ng OIC ng DOH at DND

INIHAYAG ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na masaya at kuntento siya sa performance ng temporary heads ng ilang ahensiya gaya ng Department of Health (DOH) at Department of National Defense (DOF).

Ginawa ng Punong Ehekutibo ang naturang pahayag sa isang media interview sa gitna ng dinaluhang Kadiwa ng Pasko Caravan sa Quezon City nitong Huwebes.

Dagdag pa ni Pangulong Marcos, wala pang ni-nominate na mamumuno sa mga nabanggit na government agencies.

Sa parte ng DOH, sinabi ni Pangulong Marcos na ginagampanan nang maayos ni Health OIC Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang kanyang trabaho.

 “Wala, we just go to the process. Wala pa kaming DOH. Wala pa kaming nino-nominate. Usec. Vergeire is doing a fine job. Kasi we are still not out of the pandemic. So we have to continue to be careful,” ani Pangulong Marcos.

Masaya rin aniya si Pangulong Marcos sa performance ng DND OIC.

 “Sa DA, sa DND no, I think… happy ako with the situation as it is now. We’ll see. These things are revisited, especially every year at the end of the first year. I don’t think that’s a secret to anyone that at the end of the first year, ‘yung mga ibang kandidato, they will now join the mix of possible nominees. So let’s be patient. Ako ang concern ko lang, yung kailangan gawin na trabaho nagagawa, so far naman nagagawa,” ayon pa kay Pangulong Marcos.

Kasalukuyang tumatayong DND-OIC si Senior Undersecretary Jose Faustino, isang dating Armed Forces chief of staff at miyembro ng “maringal Class” of 1988 ng Philippine Military Academy.

Matatandaang natanong din si Pangulong Marcos sa isang media interview sa Los BaƱos, Laguna kung magtatalaga ito ng kalihim ng Department of Agriculture.

Sinabi ng Pangulo, na siyang humahawak ngayon sa kagawaran ng agrikultura, na mayroon siyang timetable sa DA, at may ilang bagay na nais niyang makamit bago umalis sa departamento.

Pahayag pa ni Pangulong Marcos, may mga pangalan nang kinukunsidera na mamumuno sa Agriculture Department.

“Of course maraming lumalabas na pangalan, tuluy-tuloy ang pagtingin namin. Hopefully by the time yung checklist ko ah tapos na, meron na tayong pwedeng inominate na DA. Well the list keeps changing. May nawawala. May natatanggal, may nawawala, may natatanggal,” ani Pangulong Marcos.

PBBM: PH-US Defense Treaty, patuloy na ‘under negotiation, evolution’

Sa usapin naman ng Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos, sinabi ni Pangulong Marcos jr. na ang 1951 Mutual Defense Treaty ng dalawang bansa ay patuloy na ‘under negotiation’ at ‘under evolution.’

Saysay ng punong ehekutibo, maraming rekwes at proposals mula sa mga Amerikano, lalo na sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

 “I always call it as an evolution because things are changing. There have been many requests and proposals from the Americans especially under EDCA so all of that is understudy now to see what is really feasible and what will be the most useful for the defense of Philippine territory,” saad ni Pangulong Marcos.

Nabanggit din ni Pangulong Marcos na ang defense at security concerns ay kabilang sa mga natalakay sa kanyang pakikipagpulong kay US Vice President Kamala Harris noong nakaraang linggo.

“We covered that and many more subjects but essentially on the security yun tinitignan natin ang kanilang pinoprose yung mga joint exercises, EDCA, the use of our bases, all of these, we are in the middle of that. Palagay ko by early next year we will have something more concrete to tell you,” ayon pa sa Pangulo.

‘Roadblock’ sa WPS joint oil exploration talks, mahalagang tugunan —PBBM

Sa isyu naman ng West Philippine Sea, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagtugon sa  “roadblock” sa joint oil exploration talks.

Dapat aniyang ituloy ang oil at gas exploration sa West Philippine Sea.

Bago nito, ibinahagi ng chief executive na marami nang naging partners ang Pilipinas para sa joint exploration ng oil sa West Philippine Sea.

Ang problema, natigil lamang aniya ang negosasyon dahil nagkaroon ng constitutional problems dito base sa pronouncement ni dating Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin.

 “Mahirap makita kung papaano natin aayusin yun. I think there might be other ways, hindi gawing g to g, I dont know well have to find a way kasi kailangan na natin e,” saad ni Pangulong Marcos.

Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos na ipaglalaban ng  philippine government ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.

“We already need, kung mahanap dyan kailangan na talaga ng Pilipinas, yung China maliit na bagay sa kanila yun eh, sa atin malaking bagay yan so kailangan natin ipaglaban at mapakinabangan kung meron ngang oil talaga,” aniya pa.

Gaya ng nabanggit ng Pangulo, gagawa ang pamahalaan ng paraan upang maisaayos ang pagsusulong ng joint exploration sa WPS.

Follow SMNI News on Twitter


Comments

Popular posts from this blog

Virtual Pag-IBIG Mobile App, inilunsad para sa mas mahusay na serbisyo

Estados Unidos, inalala ang mga buhay na nasawi sa Sandy Hook School shooting pagkatapos ng 10 taon