PBBM, sinaksihan ang paglagda ng 2 Contract Packages ng Metro Manila Subway Project

SINAKSIHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang paglagda ng dalawang Contract Packages (CP) ng Metro Manila Subway Project (MMSP) ngayong araw.
Sa pangunguna ng Department of Transportation ay nilagdaan na ang dalawang contracts para sa civil works ng apat na istasyon ng Metro Manila Subway.
Ito ang konstruksyon ng Contract Package 102 o ang Quezon Avenue at East Avenue Stations at CP 103 o ang Anonas at Camp Aguinaldo Stations.
Ang CP 102, na may kabuuang contract amount na P21 billion, ay in-award sa joint venture ng Nishimatsu Construction Co., Ltd. at D.M. Consunji Inc.
Samantalang ang CP 103, na may kabuuang contract amount na P28 billion ay in-award sa Sumitomo Mitsui Construction Co., Ltd.
Isinagawa ang ceremonial signing sa Malakanyang ngayong araw, Nobyembre 3.
“The signing of these contract packages is a clear demonstration of this administration’s commitment to pursuing big projects, big infrastructure projects that will foster growth and revitalize the economy” ayon kay Pangulong Marcos.
Sa kanya pang mensahe, inilahad din ni Pangulong Marcos na nasa landas ang gobyerno sa pagtataguyod ng mga pangunahing proyekto ng riles.
Kabilang dito ang Metro Rail Transit (MRT)-7, Light Rail Transit (LRT) -1 Cavite Extension, at ang Philippine National Railway (PNR) Clark Phases 1 at 2.
Nais ng administrasyon na gawing mas praktikal na opsyon ang rail transit system ng bansa para sa Filipino commuters.
Kasabay nito ang paggiit ng Punong Ehekutibo na desidido ang pamahalaan sa paglutas ng problema sa trapiko.
Determinado ang administrasyon na matugunan ang maraming oras na nasasayang dahil sa matinding pagsisikip ng trapiko.
“We will reduce the terrible stories that we hear of people who no longer see their children because they come home at 1:30 in the morning, and the children are asleep, they have to wake up at 4 in the morning to get back on the bus to fight with the traffic coming back to work,” saad pa ni Pangulong Marcos.
Kapag nakumpleto na ang MMSP, inaasahang mababawasan ang oras ng paglalakbay sa pagitan ng Quezon City at Pasay City sa 35 minuto na lamang, mula sa dating isang oras at 30 minuto.
Inaasahang makikinabang din ang mahigit kalahating milyong pasahero kada araw mula sa Valenzuela City hanggang ParaƱaque City.
Lilikha rin ng milyun-milyong trabaho at oportunidad ang naturang proyekto para sa mga Pilipino.
“Once the MMSP is fully operational, we envision that millions of jobs as well as opportunity will also be created following the seamless transport system,” wika pa ng Pangulong Marcos.
Ang naturang infrastructure projects ay bilang pagpapatuloy sa Build, Build, Build program ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa kasalukuyang administrasyon naman, iginiit ng pamahalaan na walang makapipigil sa Build Better More program mula sa pagsasakatuparan ng layunin ng isang Golden Age of Infrastructure.
Samantala, bukod sa DOTr, ay pinasalamatan din ng Chief Executive ang gobyerno ng Japan sa pakikipag-partner sa Pilipinas sa pagtataguyod ng napakahalagang infrastructure development project.
Nagpapasalamat din si Pangulong Marcos sa Japan International Cooperation Agency (JICA) sa pagbibigay ng pinansiyal na suporta para sa pagpapatupad ng CP 102 at 103.
“The world recognizes Japan for having a very efficient rail transport system which the Philippines aspires to one day emulate. We thank you for your continued support and I hope to further advance our cooperation in other areas for the mutual benefit of our peoples,” pagtatapos ni Pangulong Marcos.
Inaasahan naman ni Pangulong Marcos na mapalalawig pa ang public transport system sa urban areas ng bansa.
Comments
Post a Comment