ABS-CBN, paiimbestigahan muli sa Kamara; istasyon posibleng maipasara

PAIIMBESTIGAHAN muli sa Kamara ng isang mambabatas ang dating network giant na ABS-CBN.
Taong 2020 pa nang magpaso ang prangkisa ng ABS-CBN kaya wala na sila sa ere at nang mag-apply sila for renewal, hindi sila pinagbigyan ng Kongreso dahil sa iba’t ibang paglabag.
Katunayan, ang mga frequency na dati nilang hawak ng tulad ng Channel 2 ay naibigay na sa ibang media player.
Ngunit para kay Cavite Rep. Elpidio Barzaga, hindi pa tapos ang laban dahil kailangang malaman ng Kongreso kung tinuwid ba ng ABS-CBN ang kanilang mga pagkakamali?
“Unang-una bagama’t hindi na-renew ang prangkisa, there are still issues katulad ng mga taxes and violation of the labor standard laws ng ABS-CBN. Pangalawa, yung foreign depositary receipt, pangatlo yung dual citizenship ni Gabby Lopez at kung anuman ang hindi pa natutupad na mga obligasyon ng ABS-CBN sa ating pamahalaan,” pahayag ni Barzaga.
Batid naman ni Barzaga ang hindi natuloy na merger ng ABS-CBN at TV5 at ang agreement ngayon ng ABS-CBN sa Asian Food Network.
Bagama’t walang isyu dito ang beteranong kongresista, dapat aniyang silipin ng Kongreso kung may iba pang mga kasunduang pinasok ang network na maaaring labag sa batas.
Hindi rin daw palulusutin ni Barzaga ang isyu sa land title ng ABS-CBN compound sa Quezon City.
Nauna nang kinuwestyon ni Congressman Rodante Marcoleta ang authenticity ng titulong hawak ng ABS-CBN sa kanilang property.
Diin noon ni Marcoleta, ‘poor photocopy’ lamang ang hawak ng kumpanya kaya dapat daw patunayan kung sa kanila ba talaga ang lupang tinitirikan ng compound.
“Titignan natin ang mga titulo, titignan natin kung anong mga basehan kung bakit sila ay nagkaroon ng titulo,” ayon kay Barzaga.
Diin naman ni Barzaga na makikinabang din ang ABS-CBN sa kanyang pagpapaimbestiga dahil naunang sinabi ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na bukas ang gobyerno na bigyan uli ng prangkisa ang network oras na maresolba ang lahat ng isyu nila sa pamahalaan.
Kaugnay naman sa mga paglabag ng ABS-CBN na hindi naayos ng kumpanya ay may posibilidad umano itong maipapasara ng gobyerno.
“Well, that is one possibility. Kasi ang operation nila ngayon ay through their cable TV. At pag sa cable TV pa naman ang pinag-uusapan, hindi na kinakailangan ang prangkisa ng ating Kongreso. Ang kinakailangan lamang permit coming from the NTC. Kung may violation, we will impose NTC that based on our investigation, ito ang kanilang paglabag sa kanilang paglalabas ng mga shows sa kanilang cable TV,” dagdag ni Barzaga.
Comments
Post a Comment