Pastor Apollo, muling pinasaringan ang hukom na nagbasura ng petisyon vs. kalaban ng estado; Joma Sison, dapat unang hulihin ng gobyerno.

MULING pinasaringan ng SMNI Honorary Chairman Pastor Apollo C. Quiboloy ang hukom na nagbasura ng petisyon ng Department of Justice (DOJ) na magdedeklara sa Communist Party of the Philippines-New Peoples’ Army (CPP-NPA) bilang terorista.
Matatandaang sa inilabas na desisyon noong Setyembre 21, kasabay ng paggunita sa ika-50 Anibersaryo ng Deklarasyon ng Martial Law, sinabi ni Manila Regional Trial Court Branch 19 Judge Marlo Magdoza-Malagar na hindi maituturing na terorista ang CPP-NPA; at pawang ang mga insidente ng karahasang isinampa laban sa CPP-NPA ay hindi sapat upang mahulog sa depinisyon ng terorismo, bagkus maaaring ituring na ‘common crime’ sa ilalim ng batas.
At nitong Linggo, sa kanyang programang Sounds of Worship ay hinamon ni Pastor Apollo ang judge na maglabas ng warrant of arrest laban sa CPP-NPA kung common crimes ang tingin nito sa kanilang ginagawa.
Hinamon din ng butihing Pastor si Judge Malagar na numero uno nitong ipa-aresto ang lider ng armadong grupo na si Joma Sison na nasa Netherlands.
Samantala, dagdag pa ni Pastor Apollo na kung gusto talagang ituloy ng CPP-NPA-NDF ang usapang pangkapayapaan sa gobyerno ay dapat isuko nito ang kanilang mga armas at magbalik-loob sa gobyerno.
Binigyang-diin ni Pastor Apollo na sa halip na isulong ang kapayapaan ay kaguluhan at karahasan ang patuloy na ginagawa ng nasabing teroristang grupo.
Nananawagan naman si Pastor Apollo na huwag iboto sa susunod na halalan ang mga party-list na Kabataan, Gabriela at ACT Teachers o kilala sa tawag na KAGAT Party-list na siyang front organization ng CPP-NPA-NDF.
Muli namang hinikayat ni Pastor Apollo ang mga miyembro ng NPA na sumuko na para makamit ang tunay na kapayapaan.
Comments
Post a Comment