PNP, iginiit na walang krimen na hindi naaksiyunan sa bansa

PATULOY na naninindigan ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na walang krimen sa bansa ang hindi nito nariresolba.
“Wala hong krimen na nangyari na hindi po inaaksiyunan,” ito ang iginiit ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin, Jr. sa publiko.
Aniya, hindi nagsasayang ng oras ang kapulisan upang tugunan agad ang mga sumbong ng tao.
Tanging pakiusap lang ng mga awtoridad sa mamamayan, agad na ipagbigay alam sa kanilang hanay ang mga nakikitang krimen upang agad din itong maresolba.
Sa halip anila na ipost sa social media, mainam kung sa mga awtoridad ito isuplong para maimbestigahan.
Sa huli, iginiit ng PNP na walang dapat na ipag-alala ang publiko mula sa mga naitatalang krimen dahil agad din naman itong nabibigyan ng kaukulang pansin kasabay ng agarang imbestigasyon dito.
Sa kabilang banda, pinag-aaralan na rin ng PNP ang pakikipag-ugnayan sa mga social media bloggers at influencers kaugnay sa mga pinopost ng mga ito, online.
Partikular na bibigyan ng pansin ng PNP ang mga nakikitang krimen sa bansa na agad pinopost sa social media na hindi beripekado.
Ayon kay Gen. Azurin, ang mga ganitong kilos ay nakapagdudulot lamang hindi lang ng kalituhan kundi pangamba ng publiko gayong importante rin na malaman muna kung totoo ang pangyayari o hindi.
Kaugnay rito, hinihimok ng PNP ang pamunuan ng Philippine-Chinese Chamber Commerce Industry Incorporated na magpaliwanag sa nakuha nitong datos na 56 na kaso ng kidnapping sa bansa na pinabulaanan naman ng huli.
Giit ng PNP, mahalaga anila na malaman muna ang kabuuang istorya sa ilalim ng mga isasagawang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang totoong sitwasyon.
Matatandaang, umabot na sa Senado ang imbestigasyon ng mga naitatalang diumano’y kidnapping sa ilang Chinese national sa bansa na pinabulaanan naman ng huli.
Nakikiusap ang PNP sa publiko ng pakikipagtulungan upang makamit ang pagbabalik ng kapayapaan at kaayusan ng bansa.
Comments
Post a Comment