Grupo ng mga negosyante, hindi maitago ang pangamba sa mga insidenteng kidnapping at iba pang krimen

AMINADO ang Federation of Philippine Industries (FPI) na may pangamba sila sa mga napapabalitang mga insidente ng kidnapping at iba pang mga krimen.
May iginiit naman ang grupo na dapat gawin ng kasalukuyang administrasyon hinggil sa pagsubok na kinakaharap ngayon ng pamahalaan.
Hindi lingid sa kaalaman ng mga miyembro ng FPI ang mga insidente ng krimen na umugong sa bansa sa kasalukuyan.
Bagamat hindi napag-uusapan sa kanilang mga huling pagpupulong, aminado si Dr. Jess Arranza na nagdudulot din ng pangamba sa kanyang pinamumunuang FPI ang mga serye ng kidnapping at iba pang krimen.
Ang FPI ay binubuo ng 130 malalaki at maliliit corporate members at 36 na industry associations.
Ipinagmalaki pa ni Arranza na noong panahon ng martial law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ay naging maganda ang takbo ng pagnenegosyo sa bansa dahil sa istriktong pagpatutupad ng peace and order.
Iginiit ni Arranza ang kahalagahan ng peace and order.
Kakambal anya dapat ito sa pagsusumikap ng pamahalaan na lumago ang ekonomiya ng bansa.
Dagdag pa ni Arranza, maganda ang idinulot na paglaban ng nakaraang Duterte administration sa iligal na droga, kriminalidad at korupsyon.
Malaking ambag anya ito para matiyak ang kapanatagan ng loob ng publiko at mga negosyante lalo na ang kanyang matapang na mga pahayag laban sa mga kriminal.
Mahalaga ani Arranza ang matatapang na pahayag lalo na kung mismo sa Pangulo manggagaling.
Ito ay dahil nagsisilbi itong polisiya ng pamahalaan lalo na sa mga law enforcer.
Una nang iginiit ng Honorary Chairman ng SMNI na si Pastor Apollo C. Quiboloy na maganda kung nasama sa unang State of the Nation Address ni PBBM ang magiging mandato nito sa peace and order sa bansa.
Nagbigay rin ng pananaw ang pinuno ng FPI hinggil sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Naging sentro ngayon sa kontrobersya ang POGO dahil sinasabing karamihan sa mga insidente ng kidnapping na nangyayari ay may kaugnayan dito.
Ani Arranza, kung malaki ang social cost na maidudulot ng POGO kesa sa ambag nito sa kaban ng bayan, maiging itigil na ito at ibaling na lang ang atensyon ng pamahalaan sa ibang bagay.
Inihalimbawa na lang nito ang pagtutok sa pagkolekta ng mga buwis.
Kamakailan lang ay inihayag ni Finance Secretary Benjamin Diokno ang kanyang pagnanais din na ihinto ang POGO dahil sa social cost.
“If you ask my personal opinion on this, let’s discontinue the POGO because of the social cost,” ayon kay Sec. Benjamin Diokno, Department of Finance.
Comments
Post a Comment