DBM, nilinaw ang mga agam-agam ukol sa pondo sa pagpatatayo ng Martial Law Museum

NILINAW ng Department of Budget and Management (DBM) ang kuro-kuro na inalis ang pondo sa pagpatatayo ng Martial Law Museum sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP).
Ayon sa DBM nananatiling available ang pondo para sa Martial Law Museum.
Tugon ito ni Budget Secretary Amenah Pangandaman sa ginanap na budget hearing, matapos ang naging pahayag ukol dito ni Human Rights Violations Victims Memorial Commission Executive Director Carmelo Crisanto.
Saad ng pamunuan ng nasabing komisyon, sa ilalim ng 2023 NEP, walang special provision na nakapaloob para sa Martial Law Museum.
Paliwanag naman ni Pangandaman, hindi talaga ito kasama sa panukalang national budget kahit pa sa mga nakalipas na taon.
Bagkus, kabilang ang pondo para rito sa “Trust Receipts” na inayos ng Kongreso at nailabas na noong nakaraang taon pa.
Ibig sabihin, Ito ay kasalukuyang may pondo na.
Dagdag pa ng kalihim, dahil Trust Fund ito, mananatiling available ang pondo para sa kanilang opisina, hanggang ganap itong ma-utilized, subject pa rin sa budgeting, accounting, at auditing rules and regulations.
Sa kabuuang budget na Php 381 milyon, may natitira pang Php 254 milyon para sa pagpatatayo ng naturang museo sa UP Diliman sa Quezon City.
Inihayag pa ng DBM na tuluy-tuloy ang konstruksyon ng Martial Law Museum.
Comments
Post a Comment