Philippine Coast Guard at US Coast Guard, nagsagawa ng search and rescue exercise sa bahagi ng WPS

SA ikatlong pagkakataon, matagumpay na nagsagawa ng search and rescue exercise ngayong taon ang Philippine Coast Guard (PCG) at US Coast Guard sa bahagi ng West Philippine Sea (WPS).
Lulan ng BRP Gabriela Silang, at MRRV BRP Melchora Aquino 9702, nagtungo ang team ng PCG sa karagatang sakop ng Zambales na bahagi ng Exclusive Economic Zone ng bansa.
Dito isinagawa ang Search and Rescue Exercise 2022 kasama ang US Coast Guard.
Pero dahil sa sama ng panahon, limitado lamang ang kanilang naging aktibidad.
Sa kabila nito, ipinamalas pa rin ng dalawang bansa ang kani-kanilang abilidad sa mabilis na pagtugon sa mga sakuna, kalamidad at kriminalidad na maaaring mangyari sa karagatan.
Isa na rito ang anti-piracy drill na pinangunahan ng PCG Maritime Security Law Enforcement Unit na bahagi ng kanilang tactical demonstration.
Kung saan nagsilbing victim ship ang MRRV Melchora Aquino 9702 mula sa isang distress call at humihingi ng tulong mula sa pagsalakay ng mga pirata.
Ayon sa PCG, isang bagong yunit ito laban sa mga naitatalang kaso ng pananalakay sa mga naglalayag na barko ng Pilipinas.
Pagpapakita rin ito sa kahandaan ng bansa laban sa mga nais manghimasok sa sobereniya at teritoryo ng bansa.
Nagpalitan din ang Philippine Coast Guard at US Coast Guard ng tinatawag na flashing exercise, kung saan huhulaan ng participating teams ang bawat kulay na kanilang nakikita o signals na nanggagaling sa isang barko sa gitna ng search and rescue operation o kahit sa mga regular na mga pagkakataon.
Habang isinagawa rin ang publication exercise kung saan, magbibigay ng code ang controller ship at huhulaan naman ng kabilang barko sa pamamagitan ng pag-decode gamit ang radyo para malaman kung ano ang nais iparating ng mga ito sa isa’t isa, pareho naman nasagot ng Gabriela Silang at Cutter Midget ng US ang exercise.
Ayon sa PCG, sa gitna ng pagsasanay kasabay ng sama ng panahon, nagawang maipakita ng dalawang bansang patunayan na kayang gampanan ang kanilang trabaho sa panahon ng kalamidad o trahedya.
Pero batid ng mga tauhan nito na hindi sa lahat ng pagkakataon ay matitiyak nitong magiging ligtas ang lahat dahil na rin sa mga sirkumstansiyang hindi nito kontrol.
Gayunpaman tiniyak ng PCG na gagawan nila ang lahat ng makakaya ipang mailigtas ang lahat sa panahon ng peligro.
Mula sa matagumpay na pagsasanay, nilinaw ng PCG na hindi ito bahagi ng show of force sa bansang China at sa mga karatig na mga bansa bagkus, isang maayos na palitan ng komunikasyon at pagkakaunawaan sa mga inaasahang sakuna o trahedya sa karagatan saan mang panig ng mundo.
Comments
Post a Comment