Pang-apat na kaso ng monkeypox nag-aalangan nang magbigay ng dagdag impormasyon – DOH

INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na kasalukuyang nag-aatubili na magbigay ng karagdagang impormasyon ang pang-apat na kaso ng monkeypox matapos malantad ang identity nito sa social media kamakailan.
Hanggang ngayon kasi hindi pa matukoy ng ahensiya kung saan nito nakuha ang monkeypox virus dahil wala naman itong travel history sa mga bansang may kumpirmadong kaso ng sakit.
Wala naman itong kaugnayan sa mga naunang mga kaso ng monkeypox sa bansa.
Ang problema ngayon ng ahensiya, ayaw makipagtulungan ng 4th case matapos umano maisapubliko ang picture ng pasyente.
“Ang isang nagiging challenge natin ngayon for us to establish the accurate history from the patient would be the patient now is quite hesitant to give us information because of all the media reports that has happened in the past days na-post ‘yung kanyang picture sa social media so medyo hesitant siya makipag-usap ngayon. Kaya kami ay patuloy na nakikipag-coordinate sa kanyang mga kapamilya para makausap natin siya uli maestablish natin talaga ‘yung source of infection,” pahayag ni Vergeire
Dahil dito, pakiusap ng DOH sa publiko at sa mga media outlet na magdahan-dahan sa pagpapalabas ng impormasyon.
“Kaya kami po ay nakikiusap sa ating mga media outlets pati sa ating mga kababayan. Let’s preserve and respect the identity and the privacy of specific individuals afflicted by specific illnesses para naman po hindi sila nagkakaroon ng mga ganitong agam-agam, nawawala ang tiwala sa gobyerno, nawawala ang tiwala sa mga tao dahil dito,” ani Vergeire.
At dahil nga kulang pa sa impormasyon ang DOH mula sa 4th case, hindi pa nito tiyak o masabi na mayroon nang local transmission ng monkeypox.
Sa ngayon ayon kay Vergeire, pagaling na ang pasyente pero kasalukuyan pa ring nasa isolation facility.
“So for now we cannot say 100 percent and with certainty that this is a local transmission because we have not established the facts yet,” ani Vergeire.
Samantala, sinabi naman ni Vergeire na nanatiling nasa apat ang kaso ng monkeypox sa bansa.
Ikinatuwa naman nito na bumaba ang monkeypox cases sa buong mundo.
Sa ulat ng World Health Organization (WHO), bumaba ng 21% ang monkeypox cases nitong nakaraang linggo.
“Ito po ay magandang balita para sa atin kasi nakikita natin bumabagal ang mga kaso internationally and when cases internationally are slowing down we hope also it can prevent further transmission sa ibang bansa katulad ng sa atin. Dito sa Pilipinas kung saka-sakali hopefully were cases remain to be four, we’d like to have that kind of control kung saan we are doing intensive surveillance and trying to immediately isolate those who are affected and quarantine the closed contacts,” dagdag ni Vergeire.
Comments
Post a Comment