Pagpapatupad ng ‘no contact apprehension policy’, unconstitutional ayon sa isang abogado

NANINDIGAN ang iba’t ibang transport groups sa kanilang mga nakikitang dahilan kung bakit kinakailangan ibasura na ang pagpapatupad ng ‘no contact apprehension policy’ (NCAP).
Anila, bagama’t maganda ang layunin nito na makapagdisiplina ng mga motorista ay hindi naman makatao ang ipinapataw na multa.
Sa katunayan, iginiit naman ni Attorney Mark Tolentino, legal consultant ng mga transport group na unconstitutional ang pagpapatupad ng NCAP ng mga lokal na pamahalaan.
Paliwanag pa ni Tolentino, isa sa mga violation na nailabag ng mga LGU ay ang walang maayos na konsultasyon sa mga transport sector.
Ayon naman kay ni Atty. Ariel Inton, Lawyers for Commuters Safety and Protection, wala namang masama kung nais disiplinahin ang mga tsuper sa batas-trapiko.
Pagbibigay-diin ni Atty. Inton, ibang usapin na kapag ang mga inosente ay namumultahan dahil sa kontrobersyal na polisiya ng NCAP.
Kaya naman, ngayong Lunes nagsagawa ng protesta ang mga transport group sa harap ng Quezon City Memorial Circle upang ilahad ang kanilang mga hinaing sa apat na lokal na pamahalaan na nagpapatupad ng NCAP.
Mababatid na kabilang dito ang Quezon City, Parañaque, Manila, at Valenzuela City.
Sinabi ng mga transport group na digitalized kotong ang nakikitang dahilan kung kaya’t ayaw isuspinde ang NCAP.
Anila, kung hindi ito masosolusyunan at magpapatuloy ang panghuhuli sa pamamagitan ng NCAP, posibleng wala nang transport vehicles dahil sa lugmok dahil sa nagmamahalang multa.
Matatandaan, apat na transport group ang humiling sa Korte Suprema na maglabas ng injunction laban sa NCAP na ipinatupad ng mga lungsod sa Metro Manila.
Sa kanilang petisyon, hiniling nila na ideklara bilang labag sa konstitusyon ang programang gumagamit ng closed-circuit television system at digital cameras para mahuli ang mga motorista sa akto ng paggawa ng mga paglabag sa trapiko.
Samantala, una na ring sinabi ng mga lokal na pamahalaan na hindi nila sususpindihin ang NCAP dahil maayos ang kanilang pagpapatupad sa polisiya nito.
Comments
Post a Comment