NTC, pinag-iingat ang publiko sa naglipanang text scam

PINAG-iingat ng National Telecommunications Commission (NTC), ang publiko sa naglipanang text scam.
Sa Laging Handa public briefing, may abiso sa publiko si Engineer Edgardo Cabarios, consultant ng NTC, patungkol sa talamak na text scams.
Paalala ni Cabarios, basta’t hindi sigurado na kaibigan o kakilala, ay huwag na huwag sumunod sa gustong ipagawa ng naturang nagpadala ng mensahe.
Lalo na, kapag nanghihingi na ito ng personal na impormasyon o datos o maski ano, dahil ito ay masasabing scam.
“Kapag iyong message na na-receive po natin ay galing sa phone number na wala naman sa ating directory, chances are scam po iyan. At kung hindi galing sa ating mga kakilala, sa kaibigan, etc, again chances are scam ho iyan,” pahayag ni Cabarios.
Kaugnay nito, nagpahayag ang NTC consultant ng pagkabahala lalo’t ang personal number, ay identified sa isang indibidwal.
Kaya naman, iginiit ni Cabarios na dapat may maparusahan sa kumakalat ngayon na text scams.
“Dapat po kasi ay may maparusahan dito kasi may nag-leak ng information. Hindi naman pupuwede na kung saan-saan kinuha iyan. Mayroon pong nag-leak ng information kasi bakit iyong telephone number ay mayroong pangalan?” ayon kay Cabarios.
Ang problema sa text scam ay nakita na rin hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa iba pang mga bansa.
Kaya nagpasa ang iba’t ibang bansa ng kani-kanilang Data Privacy Law.
Dito sa Pilipinas, mayroon nang naipasa na Data Privacy Act of 2012 at nalikha ang National Privacy Commission (NPC).
Ang NPC ang mayroong primary jurisdiction at nag-iimbestiga sa mga isyu ng personal data breach.
“Kasi dapat maprotektahan po ng National Privacy Commission itong mga personal data. Delikadong-delikado po kasi iyan. Kapag na-click iyan, naku napakadelikado po iyang impormasyon na iyan kapag naibigay sa iba,” ayon kay Cabarios.
Samantala, inihayag ni Cabarios na panahon na para mapatupad ang SIM card registration sa bansa.
Saad ng NTC consultant, malaking tulong ito para mabilis na masawata at maparusahan ang mga text scammer.
Mabuti ring irehistro ang lahat ng SIM card na ginagamit dahil Makababawas ito nang malaki sa mga gustong gumawa nang hindi maganda sa isang indibidwal.
“Kasi kaya malakas ang loob kasi nila ay hindi sila mati-trace, so mahihirapan ma-trace sila, mahihirapan silang ma-prosecute, mahirapan silang maparusahan. Pero kung nakarehistro iyan ay mas madali,” ayon pa ni Cabarios.
Inihayag pa ng NTC consultant na mayroong coordination sa kanila ang National Privacy Commission na siyang nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng isyu ng text scams.
Comments
Post a Comment