Public Assistance Command Center, ilulunsad ng DepEd ngayong araw

ILULUNSAD ng Department of Education (DepEd) ang Oplan Balik Eskwela – Public Assistance Command Center (OBE-PACC) na may temang “Kapit-Bisig Para sa Mas Ligtas na Balik-Aral” ngayong araw.
Bukas ang Public Assistance Command Center hanggang Agosto 26.
Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng DepEd, layunin ng command center na mabilis na matugunan ang mga problemang posibleng harapin sa muling pagbubukas ng mga paaralan sa darating na Agosto 22.
Dagdag ni Poa, naiintindihan nila pagkatapos ng 2 taong nasa blended learning o walang face-to-face classes sa bansa ay mag-a-adjust ang lahat.
Ang OBE ay two-week national activity ng DepEd na layong tugunan ang mga tanong, reklamo, at iba pang concerns na karaniwang nararanasan ng publiko sa pagsisimula ng pasukan.
Samantala, umabot na sa halos P20 milyon o 19,819,047 ang mga nakapagpatalang mag-aaral na papasok sa Kindergarten hanggang Grade 12 sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.
Sa datos mula sa Learner Information System (LIS), umabot na sa 2,872,152 ang nagpa-enroll sa Region IV-A (CALABARZON) na sinusundan ng Region III (Central Luzon) na nasa 2,236,922 at National Capital Region (NCR) na nasa 2,209,867.
May kabuuang bilang na 17,427,608 sa public schools; 2,322,115 sa private schools; at 69,324 SUCs at LUCs.
BASAHIN: CALABARZON, may pinakamaraming mag-aaral para sa SY 2022-2023 ayon sa DepEd
Comments
Post a Comment