Iba’t ibang ahensya sa gobyerno, nagtulong-tulong para sa matagumpay na Oplan Balik Eskwela

INILUNSAD ng Department of Education (DepEd) ang Oplan Balik Eskwela ngayong Lunes isang linggo bago ang pagbubukas ng klase.

Kasabay nito ang pagbubukas ng Command Center ng DepEd na layong tugunan ang mga tanong, reklamo at iba pang concerns na karaniwang nararanasan ng publiko sa pagsisimula ng pasukan.

Nakipatulungan ang DepEd sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang masiguro na maayos at mapayapa ang pagsisimula ng klase sa Agosto 22.

Sa launching ng Oplan Balik Eskwela ng DepEd, inilatag ng 17 kagawaran ang kanilang mga plano at programa para sa matagumpay na School Year 2022-2023.

Para sa kalusugan ng mga estudyante, nakatutok ang Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) dito.

Palalakasin ng DOH ang kampanya sa pagbabakuna ng mga estudyante at guro laban sa COVID-19.

Titiyakin din ng DOH ang ligtas na pagpasok ng mga bata sa pamamagitan ng maayos na pagpatutupad ng health protocols sa loob ng mga paaralan.

Habang tuloy-tuloy naman ang supplementary feeding program ng DSWD.

Papangunahan naman ng Philippine National Police (PNP) ang pagtitiyak ng peace and order sa mga paaralan.

Ayon sa PNP, magtatalaga sila ng assistance desk para matiyak sa mga paaralan bukod pa ang police visibility sa palibot ng school premises.

Nagbukas naman ng mga bagong ruta ng mga public utility vehicles ang Department of Transportation (DOTr) upang matiyak ang sapat na bilang ng sasakyan.

May mga tauhan naman ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Office (LTO) para matiyak ang kaayusan sa trapiko.

Magde-deploy naman ng mga tauhan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) mula sa hanay ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Tiniyak naman ng Department of Trade and Industry (DTI) na mayroong mura at kalidad na mga bilihin sa bawat komunidad.

Patuloy naman ang pagsasaayos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga paaralan, lalo na sa mga nasira ng magnitude 7 na lindol.

Ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay patuloy sa pagpatatayo ng mga evacuation centers.

Ayon sa NDRRMC ito ay para hindi na magamit ang mga eskwelahan bilang evacuation center tuwing may sakuna.

Tiniyak naman ng Department of Energy (DOE) na mayroong sapat na supply ng kuryente habang ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ay siniguro na may sapat na suplay ng malinis na tubig sa mga school vicinity.

Pinabibilis naman ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang kanilang hakbang na mabigyan ng malakas na internet access ang mas madaming paaralan at mabilis na internet connectivity sa mga malalayong lugar.

Follow SMNI News on Twitter


Comments

Popular posts from this blog

Virtual Pag-IBIG Mobile App, inilunsad para sa mas mahusay na serbisyo

Estados Unidos, inalala ang mga buhay na nasawi sa Sandy Hook School shooting pagkatapos ng 10 taon