Bilang ng mga may trabaho noong Hunyo, naitala sa 46.59-M; Mga walang trabaho sa bansa, bahagyang tumaas – PSA

TUMAAS ang bilang ng mga may trabaho o negosyo sa bansa noong Hunyo ngayong taon kumpara noong buwan ng Mayo batay sa resulta ng survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ipinaalam ni PSA National Statistician and Civil Registar General Undersecretary Dennis Mapa na nadagdagan ang bilang ng may mga trabaho sa bansa.

Sa isang press conference ngayong araw, sinabi nito na naitala sa 46.59 milyon ang employed persons o bilang ng may trabaho o negosyo.

Katumbas ito ng 94.0% na employed rate sa buwan ng Hunyo 2022.

Sa datos ng PSA, ito ay higit na mas mataas kumpara noong Hunyo 2021 na nasa 92.3 percent lamang.

Maliban diyan, bumaba naman sa 5.89 milyon ang bilang ng underemployed nitong Hunyo 2022 mula sa 6.67 milyon noong Mayo.

Habang ang underemployment rate nitong Hunyo 2022 ay tinatayang nasa 12.6 percent, mas mababa kumpara sa nai-report noong Hunyo 2021 na nasa 14.2 percent at noong Mayo 2022 na nasa 14.5 percent.

Samantala, bahagya namang tumaas ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho o negosyo sa bansa noong Hunyo na umabot sa 2.99 million.

Ito ay bahagyang mas mataas kumpara noong Mayo 2022 na nasa 2.93 milyon lamang.

Ang unemployment rate naman nitong Hunyo ay naitala sa 6% o 60 sa bawat 1,000 na indibidwal na nasa labor force.

Kung saan, ang unemployment rate ng mga kalalakihan ay naitala sa 5.4%.

Ani Usec. Mapa, bahagyang mas mababa ito sa unemployment rate ng mga kababaihan na nasa 6.9%.

Pagbibigay-diin pa ng opisyal, nasa 14.1% naman na kalalakihan ang underemployed na mas mataas kung ikukumpara sa underemployment rate ng mga kababaihan na nasa 10.5% lamang.

Mababatid na isinagawa ang naturang survey mula Hunyo 8-28 na may kabuuang 18 araw sa may 10,915 households sa buong bansa na may kabuuang 33,608 na indibidwal na na-survey na may edad 15 taong gulang pataas.

Follow SMNI News on Twitter


Comments

Popular posts from this blog

Virtual Pag-IBIG Mobile App, inilunsad para sa mas mahusay na serbisyo

Estados Unidos, inalala ang mga buhay na nasawi sa Sandy Hook School shooting pagkatapos ng 10 taon