Panlilinlang ng Makabayan bloc, panahon na para wakasan –VP Sara Duterte

MULING binanatan ni Vice President Sara Duterte-Carpio ang Makabayan bloc kasunod ng pambabatikos ni dating Bayan Muna Rep. at Lumad leader Eufemia Cullamat sa kaniyang pagsusuot ng tribal outfit sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kamakailan.
Ayon kay VP Sara, natatawa lang siya sa mga mapagkunwaring pahayag ng Makabayan bloc habang iniisip kung paano ayawan ng taumbayan ang Bayan Muna at iba pang Makabayan bloc partylist groups na muling makalusot sa Kongreso.
“I always have time for Makabayan bloc. The laugh that I get reading Makabayan bloc’s hypocritical and dramatically rehashed statements — while thinking about how the Filipino people rejected the bid of Bayan Muna and two other Makabayan bloc partylist groups to once again infiltrate Congress and legitimize their existence,” pahayag ni VP Sara.
Pagdidiin pa nito na sinungaling ang Makabayan bloc at may “love affair” sa mga terorista at komunista.
“While pretending that we do not know about their ‘love affair’ with the NPA, the NDFP and the CPP — is a way to de-stress from all the challenges the Department of Education and the government need to address without the help of Makabayan bloc, of course,” ani Sara.
Dagdag pa ng bise presidente na marami na ang naloko ng Makabayan bloc dahil sa mga propaganda at pagsisinungaling nito.
Sa loob ng maraming panahon aniya, walang naglakas-loob na ilahad ang totoo laban sa grupo kaya aniya siya ang gagawa nito.
“Marami na ang naloko ng Makabayan bloc. Magaling sila sa propaganda at sanay sila sa pagsisinungaling. Sa loob ng maraming panahon, walang naglakas-loob na ilabas ang katotohanan tungkol sa kanila. Gagawin natin ito ngayon,” ayon pa ni VP Sara.
Paglalahad pa ng Pangalawang Pangulo na marami na ang nalinlang ng Makabayan bloc na batang Pilipino na sumapi sa NPA.
“Ilang batang Pilipino na ang kanilang nahikayat na sumanib sa NPA para sumali sa isang gyera na hindi naman nauunawaan ng mga kabataan — isang giyera na hinding-hindi nila maipapanalo dahil isa itong giyera na laban sa kapwa nila mga Pilipino,” ani VP Sara.
Pagtatanong pa nito na kung ilan na ang pangarap at kinabukasan ang nasira ng grupo at ilang bata na ang namatay bilang miyembro ng NPA.
“Ilang pangarap at magandang kinabukasan na rin ba ng mga kabataan na ba ang hinayaan ng Makabayan bloc na masira sa loob ng maraming mga taon? Ilang kabataan na ba ang namatay bilang NPA?” aniya pa.
Ayon pa kay Vice President Duterte, ang pagsasabi ng katotohanan laban sa Makabayan bloc at sa mga teroristang grupo ay hindi red tagging.
Pagbibigay diin ng bise presidente, panahon na upang wakasan ang panlilinlang ng Makabayan bloc sa taumbayan.
“Ang pagsasabi ng katotohanan tungkol sa relasyon ng Makabayan bloc at sa teroristang NPA, CPP, at NDFP ay hindi red-tagging o terror-tagging — ito ay pagsasabi lamang ng katotohanan. Opo, may panahon tayo para sa Makabayan bloc. Panahon para tuluyan nang wakasan ang kanilang panlilinlang sa sambayanan,” pagdidiin ni VP Sara.
Comments
Post a Comment