Civil Disturbance Management, inihahanda ng NCRPO sa unang SONA ni PBBM

NANINIWALA ang pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na hindi na talaga mapipigilan ang iba’t ibang progresibong grupo na maglalabas ng kanilang mga hinaing tuwing may malaking pagtitipon o aktibidad ang pamahalaan kabilang na ang SONA ng Pangulo.
Kaya naman para masiguro sa bawat araw na preparasyon ng kapulisan para sa SONA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ay makikibahagi rito ang nasa 22,000 police personnel na tututok sa peace and order sa mismong araw ng SONA.
Sa katunayan, bukod sa Manila shield, makikilahok din ang Civil Disturbance Management ng PNP para sa crowd control partikular na sa mga lalabag sa batas at mga polisiyang ipatutupad.
Kasabay nito ang pakiusap sa publiko na mag-ingat sa nagpapatuloy na banta ng COVID-19.
Ayon sa PNP, kung tutuusin anila, mas mainam na huwag nang magsagawa ng mga pagtitipon dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.
Pero kung hindi naman makikinig ang mga ito, hindi rin sila magsasawa sa pagpapaalala at pagbabantay na walang makalulusot sa implementasyon ng minimum public health standard at kaayusan sa buong National Capital Region (NCR).
“We all have our individual accountability for peacekeeping; it is everyone’s concern and responsibility. Team NCRPO will never get tired of calling for public’s cooperation for unanimity among police force, other agencies and the public is the key towards attaining the success of the deliverance of the country’s status and the new government’s agenda for the coming years through SONA 2022,” pahayag ni PMGen. Felipe Natividad, Director for Operations ng PNP.
Tatlong araw bago ang SONA ni Pangulong Marcos Jr., muling iginiit ng PNP ang pakiusap na huwag na huwag lalagpas sa mga itinakdang lugar ng kilos-protesta upang maiwasan ang gulo at posibleng karahasan partikular na sa loob ng NCR.
“We encourage therefore the protesters to make use of the duly established Freedom parks to continue with the free exercise of their constitutional rights to assembly and of expression. This is to ensure the free flow of traffic for traveling motorists and commuters and uphold the security measures implemented to secure the first SONA of President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr,” ani Natividad.
Sakaling hindi naman kontento ang alinmang grupo sa mga itinakdang freedom parks, maaari namang humiling ng permit to rally ang mga grupo sa lokal na pamahalaan ng Quezon City para sa kanilang mga demonstrasyon.
“Staging of public assemblies outside these freedom parks and other places authorized by law, necessary permits must be secured from the Local Government Units,” ayon kay Natividad.
Pero kahapon, bigong makakuha ng permit to rally ang grupong Bayan partikular na sa Batasan Road sa inilabas na liham ng Quezon City Department of Public Order and Safety (QC-DPOS).
Sa pangunguna ni DPOS Head, Retired Police BGen. Elmo San Diego, hindi anila itinuturing na freedom park ang kahabaan ng Batasan Road kung kaya’t bawal itong pagdausan ng kilos-protesta.
Malaking abala aniya ito sa mga mananakay na dumadaan sa lugar bilang nagsisilbing pangunahing ruta ng lungsod.
Nauna nang nilinaw ng PNP ang no rally zone sa kahabaan ng Commonwealth Avenue at sa iba pang lugar sa lungsod na labas sa mga itinakdang freedom parks.
Pero nakadepende naman anila ito sa desisyon ng QC government kung pahihintulutan nito ang pagsasagawa ng rally sa labas ng mga designated areas.
Ayon sa PNP, tatlong lugar lamang ang maaaring pagdausan ng rally sa araw ng SONA ni Pangulong Marcos Jr. kabilang ang QC Memorial Circle, Commission on Human Rights Compound at UP Diliman Campus.
Comments
Post a Comment