Traffic light approach, iminungkahi ng business sector sa pagtugon sa pandemya

IMINUNGKAHI ng business sector at ilang eksperto ang pag-shift sa traffic light approach na estratehiya sa pagtugon sa COVID-19 pandemic mula sa kasalukuyang alert level system.

Sinabi ni Go Negosyo Founder Joey Concepcion na maihahalintulad ito sa stoplight approach na green, yellow at red.

Mas madali aniya itong maintindihan ng ordinaryong mamamayan.

 “Maybe we can look into shifting from alert levels to basically to stop light – iyong green, yellow at red and that might be easily understood ‘no. Kasi kung green, that means everything is go, iyong yellow, that’s already a warning to be more, more vigilant at iyong red. That basically sets, I think, it makes easier for more people ‘no to understand,” mungkahi ni Concepcion.

Ang naturang suhestyon ay binuo aniya ng Advisory Council of Experts o tinatawag na ACE Group na kinabibilangan ng private sector o 30 business organizations, mga doktor at ilan pang eksperto.

 “So, we are trying to suggest to the government and to President Marcos, maybe we can look at ideas like this ‘no,” ani Concepcion.

Ipinaliwanag pa ni Concepcion na kapag ‘green’, dapat nasa less than 6 ang average daily attack rate (ADAR) at less than 50% ang healthcare utilization rate (HCUR).

Kapag ‘yellow’ naman, nasa pagitan ng 618 ang ADAR at less than 50% pa rin ang HCUR.

Sa ‘red’ naman nasa 218 ang ADAR at mas mataas sa 50% ang HCUR.

“Alam na natin na hindi na kaya ng mga negosyante itong mga lockdowns, at ang mga lockdowns ay dahil sa mga alert levels. So, kailangan balanse iyan. And this is why, itong suggestion ng mga health experts sa atin at ng business organizations na have been meeting and discussing, and we came to a more or less some conclusion how we can sana i-shift natin eventually from alert levels to traffic lights ‘no,” ayon kay Concepcion.

Samantala, sinabi ng pamunuan ng Department of Health (DOH) na wala pa silang ideya sa nasabing proposal ng business sector dahil hindi pa ito nakarating sa kagawaran.

Sa kabilang banda, ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa DOH na pag-aralan pang maigi ang umiiral na alert level system.

Sinabi naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na naipresenta nila ang naturang sistema sa pagtugon sa pandemya kay Pangulong Marcos.

Ang pahayag ay makaraan ang ginanap na pulong ng Chief Executive sa mga opisyal ng DOH nitong Hulyo 6.

 “As to the alert level system, napag-usapan po ito, naipresenta na po natin with the President kung ano po iyong ating current alert level system, [kung] ano po iyong ating metrics, and he had some form of guidance for us,” ani Vergeire.

At upang mas maging akma ang hakbang ng pamahalaan sa kasalukuyang COVID situation, iniutos ng Punong Ehekutibo ang mas malalim pa na pag-aaral hinggil dito.

“Mayroon po siyang mga komento, in-analyze niya po kung ano po iyong mga metrics natin ngayon and binigyan niya po kami ng mga instructions to further study this alert level para maging mas appropriate po for our situation,” dagdag ni Vergeire.

Sa naging sistema ng dating administrasyon, nag-aanunsiyo ang Inter-Agency Task Force (IATF) kada 2 linggo kung anong alert level ang ipatutupad sa isang lungsod o probinsiya.

Follow SMNI News on Twitter


Comments

Popular posts from this blog

Virtual Pag-IBIG Mobile App, inilunsad para sa mas mahusay na serbisyo

Estados Unidos, inalala ang mga buhay na nasawi sa Sandy Hook School shooting pagkatapos ng 10 taon