Mga hakbang para matugunan ang problema sa bird flu, inilatag ng BAI

ITINAAS ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang kanilang surveillance para magkaroon ng early warning platform para tugunan ang problema sa avian influenza o bird flu.
Ito ang inihayag ni BAI Director Dr. Reildrin Morales sa Laging Handa public briefing.
Dagdag pa ni Morales, pinalawak ang surveillance sa mga karatig probinsya at inilatag na rin sa Animal Health Congress kasama ang Local Government Veterinary Offices.
“Nang sa ganoon po, hindi pa outbreak or wala pang full-blown outbreak, magkaroon kaagad tayo ng detection at maka-aksiyon po tayo ng mas mabilis, iyan po iyong purpose ng surveillance,” saad ni Dr. Reildrin Morales-OIC, Bureau of Animal Industry.
Bukod dito, nakipag-ugnayan na rin ang BAI sa mga local expert sa poultry industry para naman doon sa mga ibang sakit na maaaring mapagkamalang avian influenza pero hindi naman pala.
Nakaaapekto rin kasi aniya ito doon sa produksyon, ito ang tinatawag na “inclusion body hepatitis”.
Nag-isyu naman ang DA-BAI ng special import permits sa mga bakuna na kailangan para matugunan ang hamon na dala ng naturang sakit.
Umapela naman si Morales na kung may makitang kakaiba sa mga alagang hayop o may nagkakamatayan, ay agad itong ipagbigay-alam sa pinakamalapit na veterinary office, municipal agriculture o sa regional field offices upang maaksyunan kaagad.
“Kailangan lamang po na i-report agad nang maaksyunan agad. Iyon po iyong mabilis po at sama-samang pagkilos ang kritikal po sa ating pagsugpo ng avian influenza,” ayon kay Dr. Reildrin Morales-OIC, Bureau of Animal Industry.
Sa ngayon, nasa higit 150 na ang kumpirmadong kaso ng avian influenza o bird flu sa bansa.
Kumalat ang bird flu dahil sa maluwag na biosecurity na ipinatutupad ng ilang poultry farm.
May ilan ding nagpuslit ng manok mula sa mga lugar na infected.
Tiniyak naman ni Morales na mapagkakalooban ng indemnification fee ang apektado ng bird flu.
Samantala, inihayag ng BAI na malaking tulong ang pansamantalang pag-alis ng DA sa temporary ban ng poultry products sa Spain, Denmark, at Czech Republic para ma-stabilize ang supply ng manok sa bansa.
Comments
Post a Comment