Mas malakas na ugnayan ng PNP sa komunidad sa Marcos admin, tiniyak

PINAYUHAN ni PNP OIC LtGen, Vicente Danao, Jr. ang mga kasamahan nito sa kanilang hanay na panatilihing ipakita ang mahinahon at maayos na relasyon sa komunidad.
Ang paalala ng PNP OIC ay kasabay sa pagdiriwang ng Police Community Relations ngayong buwan.
Ayon kay Danao, malaki ang papel na ginagampanan ng bawat komunidad sa bansa upang mapanatiling mapayapa, maayos at ligtas ang lahat mula sa anumang banta at hamong kinakaharap ng bansa dahil sa pakikipagtulungan ng lahat sa mga ipinatutupad na batas.
Ayon sa heneral, sa pamamagitan ng mga community programs ng PNP, nailalayo sa anumang uri ng kasamaan ang publiko at hindi nauuwi sa rebelyon dahil sa mga serbisyong ipinagkakaloob ng pamahalaan sa tao katuwang ang pambansang pulisya.
Giit pa ng opisyal, mula sa simpleng ngiti ng pulis at maayos na trato nito sa mga sibilyan ay malaking bagay na aniya ito ay upang mapanatili ang maayos na relasyon ng publiko sa PNP.
Bukod sa mga paalala, pinasalamatan din ng PNP ang lahat ng mga katuwang nitong mga sektor at pribadong organisasyon na nagbigay ng kanilang suporta sa mga programa ng kapulisan lalo na sa paghahatid ng tulong at pakikiisa sa programang pangkapayapaan para sa bansa.
Nito lang din nakaraang inagurasyon, hinangaan ng PNP ang mga kawani nito kasunod ng mapayapang pagpapalit ng kapangyarihan sa pamamahala sa bansa lalo pa’t walang naitalang anumang karahasan sa makasaysayang araw para sa bagong pinuno ng bansa.
Comments
Post a Comment