Pilipinas, hindi mahirap i-promote sa mga dayuhang turista –foreign buyers

POSITIBO ang mga foreign buyers na dadami ang mga turista na bibisita sa Pilipinas mula sa kani-kanilang mga bansa dahil sa dami ng maaaring ma-experience ng kanilang mga kliyente.
Sa mahigit pitong libong isla, tila malulula ka sa dami ng magagandang tanawin at mga pwedeng gawin sa Pilipinas.
Mula sa mga nagpuputian at pinong-pinong buhangin sa dagat hanggang sa mga makalaglag-pusong ganda ng mga bulubundukin, hindi ka talaga mauubusan ng mapupuntahan sa bansa.
Madami ring mga aktibidad ang maaaring subukan ng mga dayuhang turista mula sa water activities, food adventure hanggang sa extreme activities at iba pa.
Kaya para sa ilang foreign buyers ng 2022 Philippine Tourism Exchange, isa ang Pilipinas sa mga bansang hindi mahirap i-promote at talagang patok sa kanilang mga kliyente.
Isa rin anila sa maipagmamalaki ng bansa ay ang mismong mga Pilipino.
Bagay na ibinida rin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kaniyang talumpati sa ginanap na Philippine Tourism Industry Convergence Reception kamakailan.
“And the greatest assets that we have are the 107 million Filipinos who are a young well-trained workforce who are as kind a people as hospitable a people as gracious of people as you will find anywhere in the world,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Sa pamamagitan ng business-to-business travel trade event, nabibigyan ng pagkakataon ang mga tourism-related na negosyo sa bansa na maipakilala ang kanilang produkto at serbisyo sa daang-daang foreign buyers.
Mula October 21-25 naman, bibisitahin ng mga foreign buyers ang ilang tourist destination sa bansa sa CALABARZON, Cebu, Bohol, Davao, Ilocos Norte, Dumaguete, at Siquijor.
Inaasahan naman ng Tourism Promotions Board (TPB) Philippines ang P50-P60M na kita mula sa trade travel event.
Maging ang tuluy-tuloy na pag-usbong ng turismo ng bansa ay tiniyak din ng TPB sa mga susunod na taon.
Comments
Post a Comment