Mga magsasaka sa Florida, pilit binabangon ang agrikultura pagkatapos sinalanta ng Hurricane Ian

ILANG linggo matapos ang pananalasa ng Hurricane Ian sa estado ng Florida, tinatantya ng mga magsasaka at ranchero na aabot sa isa’t kalahating bilyong dolyar na pagkalugi ang sinalanta ng bagyo sa kanilang agrikultura.
Batay sa pagtatantsa ng Institute of Food and Agricultural Sciences Economic Analysis program ng University of Florida, aabot sa pagitan ng $787 million at $1.56 billion dollars na pagkalugi ang sumalanta sa milyun-milyong ektarya ng mga lupang pang-agrikultura ng Estados Unidos na kinabibilangan ng citrus, gulay, melon, at mga alagang hayop.
Ang hagupit ng malalakas na hangin sa maraming puno, kasabay ang pagbaha sa mga bukirin lulan ng malakas na ulan, mga pinsala sa mga bakuran at ang pagkawala ng kuryente ay nagdulot ng malaking dagok para sa mga alagang hayop at mga manggagawa sa nag-susupply ng mga produktong galing sa mga hayop.
Sinabi ng Florida Cattlemen’s Association Executive Vice President na si Jim Handley, humigit-kumulang 42% ng kawan at populasyon ng baka sa Florida ay labis na naapektuhan ng bagyong ito.
Samantala, ang industriya ng citrus ay nag-uulat ng malaking bilang ng mga nasirang mga puno at nalaglag na mga prutas, na napapanahon sana para sa Hamlin orange variety, sa mga bayan ng Collier, Lee, DeSoto, Hardee at Polk County.
Ang mga lugar na ito ang iilan sa pinakamalalaking distributor ng mga prutas na kahel at citrus sa buong bansa.
Ang Kagawaran ng Agrikultura ng Florida at ang Unibersidad ng Florida ay patuloy na makikipag-ugnayan sa mga magsasaka at rantsero upang suriin ang mga pinsala at hanapan ng solusyon ang pagbuhay sa industriya ng agrikultura ng estado.
Inilunsad ng estado ang Florida Small Business Emergency Loan Program, na magbibigay ng hindi bababa sa $10-M na mga pautang para sa magsasaka at negosyong pang agrikultura nang walang interes.
Comments
Post a Comment