Lalaki sa Los Angeles, napatunayang inosente pagkatapos ng 38 taon sa bilangguan

ISANG lalaki mula sa South Los Angeles na nakulong ng higit sa 38 taon para sa isang pagpatay noong 1983 ang napalaya mula sa bilangguan pagkatapos lumitaw sa isang DNA exam na ibang tao ang tunay na salarin.
Si Maurice Hastings, 69 na taong gulang, ay ginugol ang mahigit kalahati ng kanyang buhay sa selda dahil siya raw umano ang humalay at pumatay sa isang babaeng nagngangalang Roberta Wydermyer noong 1983.
Ang katawan ng biktima ay natagpuan noon sa trunk ng sasakyan ng biktima sa Los Angeles suburb ng Inglewood.
Sa kabila ng paratang na ito, nanindigan si Hastings na siya ay inosente.
Gayunpaman, kinasuhan siya ng special-circumstance murder at bibigyan sana ng hatol na death penalty ng District Attorney’s Office ngunit hindi natuloy.
Hinatulan siya ng pangalawang hurado at nasentensiyahan siya noong 1988 ng habambuhay na pagkakakulong nang walang posibilidad ng parol.
Pagkaraan ng halos tatlong dekada, nagsumite si Hastings ng claim na siya ay inosente sa District Attorney’s Conviction Integrity Unit noong nakaraang taon.
Ayon sa Los Angeles District Attorney’s Office, ang totoong suspek, pumanaw na noong 2020 habang nakakulong din dahil sa hiwalay ng pagkidnap at panggagahasa.
Inamin naman sa publiko ni Los Angeles District Attorney Gascón na binigo si Hastings ng sistema ng hustisya.
Ayon sa Innocence Project, isang organisasyong nilalabanan ang mga maling paghatol, may humigit-kumulang 20 libong mga bilanggo sa Estados Unidos ay may maling hinatulan at nasa selda pa rin magpahanggan ngayon.
Comments
Post a Comment