Solusyon para sa may problema sa birth certificate, inilatag ng PSA

MAY payo ngayon ang Philippine Statistics Authority (PSA) para sa mga Pinoy na may problema sa kanilang birth certificate.
Kabilang dito ang mga wrong spelling sa pangalan, maling kasarian, at iba pang hindi tugma na impormasyon.
“Kung halimbawa mayroon kang error ng spelling sa’yong pangalan kailangan ma-address ito at kailangang mag-file ka ng petition for correction. Pag naitama na to that’s the time na masasabi natin yung iyong permanent o valid na birth certificate. Gayundin po ay exempted din po sa batas yung mga marriage po na records na nag-undergo na po ng annulment or declaration of nullity,” pahayag ni Marizza Grande, Assistant National Statistician ng PSA.
Diin ni Grande, mahalaga na maitama ang impormasyon sa birth records dahil habambuhay na ngayon ang validity ng birth certificate.
Pinawi naman ng PSA officer ang pangamba ng mga kababayan na baka kailangan pang dumaan sa korte ang pagpapalit ng spelling ng pangalan o pagtatama ng impormasyon sa birth certificate lalo na sa pagpapalit ng gender.
“Sa ngayon po yung gender ay hindi na po kailangang dumaan sa korte so long as ito po ay typographical or clerical error. Pero kung ‘yung halimbawa nagpa-sex transplant at gusto niyang itama ay sakop po ito ng ating administrative process na RA10172. Yung mga clerical error lang po yung pwede nating itama at ang gagawin po ng ating mga kliyente magpunta sila sa local civil registrar at mag-file ng petition for correction of entry lang po,” ayon kay Grande.
Sa datos ng PSA, nasa 96.6% ng mga Pilipino ang may PSA birth certificate na at mayroon pang 3 milyong Pinoy ang kailangang mag-register.
Comments
Post a Comment