Pagsuot ng tribal dress ni VP Sara Duterte, pakikiisa aniya sa mga IP

NILINAW ng Vice President at Education Secretary Inday Sara Duterte-Carpio na bahagi ng kanyang pagbibigay-karangalan sa isa sa 11 tribo ng mga katutubo sa Davao City ang kanyang pagsuot ng tribal attire sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Bukod dito, sinabi rin ni VP Sara, na ito ay bilang pakikiisa sa mga katutubo sa Mindanao at iba pang indigenous people (IP) sa buong bansa na nakikiisa sa pakikipaglaban kontra sa panlilinlang ng CPP-NPA-NDF.
Partikular na tinukoy ng pangalawang pangulo ang malalang pananamantala ng teroristang NPA sa mga kabataan na nirerecruit para sa kanilang armadong pakikibaka.
Ayon kay VP Sara, ang kanyang pagsusuot ng kasuotan ng mga tribo ay upang mapataas ang kaalaman ng publiko hinggil sa pambibiktima ng CPP-NPA-NDF sa mga IP.
Kaugnay naman sa pambabatikos ni Eufemia Cullamat, dating kinatawan ng natalong Bayan Muna Partylist kay VP Sara na umano’y pakitang-tao lang ang ginawa ng pangalawang pangulo, sinabi ni VP Sara na dapat ito mismo ang maghihingi ng paumanhin sa mga kapwa nito IP dahil pinayagan nito ang teroristang grupong NPA na alisin ang kanilang dignidad bilang tao sa paglalagay sa kanila sa labanan na wala naman silang kinalaman.
Matatandaan na si Cullamat ang ina ng isang NPA fighter na nasawi sa Mindanao noong 2020.
Buong pagmamalaki rin ni VP Sara na nang bumaba siya sa pwesto bilang alkalde ng Davao City, idineklara ang kanilang syudad bilang insurgency-free at naging ligtas ang mga nakatira sa mga bulubundukin ng Davao laban sa mga katulad ni Cullamat.
Kaugnay nito, nangako si VP Sara na bilang kanyang responsibilidad, hindi siya titigil para mabigyan ng proteksyon at mailigtas ang mga kabataan laban sa mga walang saysay at walang kahulugan na ideolohiya ng teroristang grupo.
Comments
Post a Comment